Friday, December 13, 2019

Ilang Halimbawa ng Akademikong Sulatin



Halimbawa ng Bionote:


Asryd Huji – Nasilayan niya ang liwanag sa bayan ng Lamut, Ifugao noong ika-13 ng mainit na buwan ng Abril sa taong 2002. Nag-aral siya sa Bolog Elementary School, Ifugao Provincial Science High School, at sa Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio sa kursong Literature at nakakuha rin ng Masters of Arts in Language and Literature mula din sa minamahal na unibersidad.

Ang kanyang pangalan ay tumataginting sa larangan ng pagsusulat. "Dugo sa Pamimitak ng Araw" at "Lason at Lunas" ay dalawa sa kanyang mga nailathalang libro na nakatanggap ng parangal sa Philippine National Book Awards bilang Best Book Design at Best in Literary Criticism. Hindi rin matatawaran ang kanyang husay sa pakikipagdebate ukol sa mga suliranin sa lipunan at mga isyu ng gobyerno ng ating bansa.

Sa taong 2024, siya ay nagturo nang part time sa Ifugao State University habang nag-aaral ng Law sa Saint Mary’s University. Sa taong 2030, isa na siyang ganap na tagapagtanggol sa pook ng hustisya hanggang sa kasalukuyan.


  
           

Halimbawa ng Tatlong-Minutong Talumpati ng Panauhing Pandangal para sa Pagtatapos:


Sa pagsilip ng unang sinag ng araw, iyong masdan ang galaw ng ulap sa langit na kulay bughaw. Isang simpleng talata sa pagbati ko sa inyo ng isang magandang umaga.

Kay Gng. Efiginia B. In-uyay, punong guro ng IPSHS, sa mga panauhing dumalo upang saksihan ang ating progama ngayon, sa mga gurong hindi maubos-ubos ang pasensya sa mga butihing mag-aaral, sa lahat ng mga magulang, sa inyong taos-pusong suporta at gabay, at sa mga mag-aaral na magsisipagtapos ngayon na parang mga namukadkad na mga bulaklak mula lamang sa pagiging isang munting binhi, binabati ko kayo sa inyong tagumpay ngayon at sa marami pang tagumpay na darating sa inyong buhay.

Natitiyak kong sa likod ng inyong tagumpay ay matatanaw ang mga karanasang humubog sa kung sino kayo ngayon. At nararapat lamang na handa kayo sapagkat marami pang mga pagsubok ang malugod na sasalubong sa harap ninyo. Lalo na at pagkatapos ng senior high school ay dadaan na kayo sa pintuan ng kolehiyo. Minsan mabibigo, masasaktan, maiiwan, ngunit kailangang handa sa kahit anuman. At pagkatapos ng kolehiyo, isa na namang panibagong tagumpay ang naghihintay sa inyo; isang magandang kapalaran na hindi malabong ipagkaloob sa inyo ng tadhana kung inyong pagsisikapan.

Ngunit ano nga ba ang sekreto ng pagkamit ng tagumpay? Anong kayang klase ng kababalaghan o anong hiwaga ang nakatago sa ilalim nito? Kinakailangan ba ng balde ng talino? O di kaya naman ay wisik ng sipag?

Sa katunayan, hindi talino at sipag ang pangunahing sangkap para makamtan ang tagumpay sa buhay. Kailangan mo lamang ng sandampot ng tinatawag nating diskarte. Taglay nito ang katangian ng sistematikong pag-iisip o di kaya ay ang kalidad ng pagiging mapamaraan. Maging mapamaraan sa paraang alam ninyo kung paano makisama sa mga tao sa inyong paligid, sa pagbuo ng matibay na koneksyon sa inyong mga kaklase at kaibigan, sa pagsaluno sa inaasahan ng inyong mga guro, sa pagiging mapagpakumbaba, sa pagkatuto sa bawat pagkakamali, at sa masuring pagkilala sa inyong mga sarili. Lahat ng ito ay makatutulong sa inyo sa hinaharap, mula sa pagbuo ng koneksyon sa mga tao na maaari ding makatulong sa inyo, sa makatuwirang pagdesisyon para sa ikabubuti at ikauunlad ng inyong mga sarili. Naniniwala akong daig ng madiskarte ang matalino. Nawa ay maikintal sa inyong mga puso't isipan ang maikling mensaheng ito.

daig ng madiskarte ang matalino"


At ngayon ay oras na upang ako ay magpaalam. Sa pagbigay sa akin ng pagkakataong maging bahagi ng araw ng inyong pagtatapos at maging saksi sa inyong mga ngiting tagumpay na kasingliwanag ng banaag at sikat, nais kong ipabatid sa inyo na lubos akong nagagalak sa karangalang ito. Maraming salamat.